Mapanglaw ang mga Ilaw sa Calabarzon


Mapanglaw ang mga Ilaw sa Calabarzon
ni: Pedro L. Ricarte

                               May bakas pa sa tubig ng mga pinitak
                               Ang mga huling silahis ng nakalubog nang araw
                               Hindi na sana siya nag-araro pa,
                               Hindi rin lamang tiyak na matatamnan
                               Ang lupang itong ipinagbibili ng mga dayuhan.
                               Ang balita ko'y bilyon ang ibabayad,
                               At may makakaparti raw siyang sandaang libo.

                               Nasisiyahan na siya. Siya nama’y kasama lamang.
                               Sobra pa marahil sa kanya ang tatanggaping pera.
                               Balo na siya, walang anak, walang bisyo.
                               Sang-ilan pa ba ang kanyang buhay?
                               Pero dito na siya tumanda, sa lupang itong
                               Sinaka pa ng kanyang ama at ng mga magulang niyon.

                               Tumanaw siya sa gawing silangan:
                               Kaylawak ng lupaing itong pinagyayaman
                               Ng marami pang katulad niya
                               Ngunit ipinagbibili na ng mga may-ari.
                               May mga bukid na nasimulan nang tambakan,
                               Pero umaagos pa sa mga padaluyan
                               Ang patubig ng gobyerno.

                              Wala siyang namumuwangan sa kabuhayang-bansa;
                              Hindi niya kayang gagapon kung bakit at papaano —
                              Nadarama lamang niya ----- ang malaking panghihinayang,
                              Pangungulila sa pagkawala ng mga berdeng lupain
                              Na kaygandang pagmasdan, kay timyas bungkalin!


PAGSUSURI
·       
 I. PAGKILALA SA MAY AKDA

                        Si Pedro L Ricarte ay isang kwentista, mananaysay, mandudula, manunuri at makata. Kasalukuyan isang freelance writer, siya ay nabilang sa patnugutan ng Liwayway sa loob ng sampung taon. Ang kanyang kaalaman sa pagsusulat ay kanyang naibahagi sa mga mag-aaral ng LCBA Graduate School  sa  Calamba, De la Salle University-Manila, Don Bosco at ibang University.

                   Si Pedro Ricarte ang nagsabi kay Alejandro Abadilla na siya ang “Ama ng MakabagongTulang Tagalog”. 

                       Si Ricarte ay isa sa mga mayroong pinakamatatalas na pag-iisip kaya masasabi din na siya ay isang kritiko ng ibang mga Pilipinong manunula.

                        Naging kilala si Pedro Ricarte noong 1950-1960’s.
     
                       Ang ilan sa kanyang mga naisulat ay: 
  •  Boy Nicolas
  • Siyam na Langit (1962)
  • Samahang Siyete
  • Aawitan kita
  • Ala-Suwerte (1959)
  • Hindi Natutulog ang Diyos (1960-1961)
  • Lagablab sa Silangan (1961)at iba pang mga maikling istorya at nobela.
II. KAYARIAN NG TULA
          Ito ay Tulang Pasalaysay.

III. SANGKAP NG TULA

     A. Talinghaga (Tayutay)
           "Sang-ilan pa ba ang kanyang buhay?" (Tanong Retorikal)

     B. Persona
            Ang persona ay ang taong nagsasalita sa tula. Maaring lumikha ng iba't ibang persona ang makata sa loob ng isang tula. Sa tulang ito, ang persona ay isang magsasaka na labis na nanghihinayang sa kanyang lupang sakahan.


     C. Tugma
            Isa sa mga katangian ng tradisyunal na pagsulat ng tula --- ang pagkakaroon ng tugma. Sa tulang ito gumamit ng Malayang Taludturan ang may Akda sapagkat hindi isinaalangalang ang tugma sa bawat taludtod.

     D. Sukat
            Malaking bahagi ng ritmo ang sukat, ito ay bahagi ng kalikasan at ng buhay. Sa tulang ito, ang may Akda ay gumamit ng Malayang Taludturan walang sinunod na sukat. Ang pagsulat sa malayang taludturan ay pagtatalima sa ritmo ng tiyak na paksa kaysa sa itinakdang sukat at tugma sa pagsulat ng tula.


     E. Imahen 
            Ito ay hindi lamang larawan sa loob ng isang tula kundi ito ay anumang pandamang pisikal. 
          Pangungulila sa pagkawala ng mga berdeng lupain - dito ay ipinapahiwatig ang nararamdamang kalungkutan ng magsasaka dahil sa pagkawala ng ng lupang sakahan na maraming punong nakatanim na ngayon ay nagiging daluyan na ng patubig ng gobyerno o mga pabrika.  

     F. Tono
             Ang tono ang nagpapakita ng emosyon o damdamin ng persona ng tula. Sa tulang ito, may tono ito ng pagkatuwa kasabay ng panghihinayang. Pagkatuwa na mayroon siyang matatanggap na isangdaang piso, at panghihinayang naman para sa pagkawala ng lupang sakahan.


IV. TEORYANG PAMPANITIKAN
           Ang tulang "Mapanglaw ang mga Ilaw sa CALABARZON" na isinulat ni Pedro L. Ricarte ay may Teoryang Eksistensyalismo, dahil ipinapakita dito ang kalayaan ng tao na magdesisyon para sa kanyang sarili.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Babae sa Pagdaralita

Sangdaang Hakbang Papuntang Malakanyang